Bumida ang humigit kumulang walong daang magulang ng mga mag-aaral ng day care ng Nueva Ecija sa ginanap na Parents Congress noong martes, November 6, 2018 na idinaos sa Convention Center, Palayan City.

Nagpakita ng gilas sa pagsayaw sila nanay at tatay sa modern dance competition na nilahukan ng iba’t-ibang bayan at lungsod.

Sa huli, nagtagumpay ang bayan ng San Leonardo na maiuwi ang 1st place, ang bayan ng San Isidro ang itinanghal na 2nd place at nagwagi naman sa 3rd place ang bayan ng General Tinio.

Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Officer (PSWDO) Elvira Ronquillo, ang aktibidad ay taon-taong isinasagawa upang bigyang pagpapahalaga at maipakita ang talento ng mga magulang na walang sawang sumusuporta sa kanilang mga anak.

Samantala, nanumpa sa harap ni Ronquillo ang mga bagong halal na opisyal ng Provincial Parents Committee 2018-2019 na pinangunahan ng kanilang Presidente na si Mohammad Cajucom ng bayan ng General Tinio.

Sa pahayag ni Assistant PSWD Officer Marijune Munsayac, ay pinasalamat din nito ang mga magulang, Day Care Workers at Local Social Welfare Development Officer na katuwang sa pagpapatupad ng mga programa ng Pamahalaang Panlalawigan.

Habang ang Provincial Childrens Congress ay gaganapin sa November 14 at ang Regional Childrens Congress ay gaganapin sa November 16.-Ulat ni Danira Gabriel