Napasakamay kahapon ng Jaen PNP ang isang limang buwang buntis na babaeng nagpapakilala umano bilang isa sa mga reporter ng TV48, DWNE at may koneksyon sa Office of the Governor kasama ang tricycle driver nito na di umano’y inarkila lang ng babae.

Nakilala ang suspek na babae bilang si Marly Andales 23-anyos residente ng brgy. Aduas Sur, Cabanatuan City habang ang tricycle driver na pinag-aaralan pa ng mga pulis kung idadawit sa kaso ay nakilala bilang si Romer Kaharian.

Ayon kay ABC Luisito Austria, nagbabara-barangay ang babaeng suspek sakay ng isang tricycle at kinakausap ang mga Brgy. Captain bukod sa pagpapakilala ni Marly bilang media at reporter ng TV48 ay nangangako rin ito ng proyekto mula sa Provincial Government ng Nueva Ecija at ginagamit pa ang pangalan ni Gov. Aurellio “Oyie” Umali kapalit ang isa hanggang limang libong piso na hinihingi nito sa mga kapitan.

Galit na galit ang ilan sa mga kapitan na nabiktima umano ng suspek dahil hindi sila makapaniwalang naloko sila nito.

Base sa kwento ng mga kapitan, Sept. 17 nang sunud-sunod silang puntahan ni Marly sa kani-kanilang opisina at nagpakilala ito bilang miyembro ng media at ng TV48. Nangako ng proyekto mula sa probinsya kapalit ng pera.

Personal ring nagtungo sina Jaen Mayor Santi Austria at “DOBOL P” Philip Piccio sa himpilan ng Jaen PNP upang makita at makausap ang suspek na si Marly.

Nakatikim ng sermon ang suspek mula kina Mayor Santy at Dobol P.

Dumating rin ang sinasabing Publisher ng Pinoy in Action na si Christian Castro na kinabibilangan rin umano ni Marly upang pasinungalingan ang mga paratang dito na tumanggi nang magbigay ng anumang pahayag sa harap ng kamera.

Samantala, todo tanggi pa rin ang suspek sa mga paratang sa kanya at ayon sa imbestigasyon ng

Jaen PNP hindi lamang roon nagsasagawa ng panloloko ang suspek dahil maging sa lungsod ng Gapan, San Leonardo at Zaragoza ay nakapangbiktima na rin ito.

Sa kasalukuyan nasa pangangalaga ng Jaen PNP ang suspek na si Marly at nakahain na rin ang reklamo laban sa dito.

Paalala po sa publiko, muli po ay mariin pong itinatanggi ng himpilan ng TV48 na hindi kailanman naging reporter ng stasyon si Marly Andales at hindi kahit kailan nanghihingi o manghihingi ng anumang halaga ng pera ang TV48 at hindi po namin kahit kailan papayagan ang ganitong mga mali at baluktot na gawain.

Sa mga posibleng nabiktima po ng babaeng ito na si Marly Andales, mangyari lamang po na dumulog kayo sa stasyon ng Jaen PNP upang makapaghain po kayo ng pormal na reklamo upang ang mga ganitong gawain ng panloloko ay atin pong mapigil nang hindi na maulit sa iba pa nating mga kababayan.

Maaari rin po kayong magtext o tumawag sa cellphone number ng TV48 na #0917-550-2224.- Ulat ni Mary Joy Perez