Mula sa 2,372 na kaso ng dengue na naitala sa lalawigan ng Nueva Ecija noong 2016 ay bahagya itong tumaas sa 2,421 na kaso o 2% as of December 23, 2017, ayon sa datos ng Provincial Health Office o PHO.
Base rin sa report ng PHO, ang edad ng mga nagkasakit ng dengue ay mula isang taong gulang hanggang walumpu’t anim na taong gulang.
Pinakamaraming kaso ng dengue ang naitala sa mga may edad na anim hanggang labindalawang taong gulang na may bilang na 539 na kaso.
Samantala, ang Cabanatuan ang mayroong pinakamataas na bilang ng kaso ng dengue na may naitalang bilang na 645 na kaso. Sinundan ito ng Aliaga na may 155 na kaso. Pumangatlo naman sa listahan ang Guimba kung saan naitala ang 151 na kaso. Kasama rin sa sampung lugar na may pinakamataas na kaso ng dengue ang Zaragoza, Gapan City, Sta. Rosa, San Jose City, Jaen, Cabiao at Talavera.
Samantala, patuloy naman ang pagsasagawa ng awareness campaign tungkol sa dengue at ang pag-aksyon ng PHO at ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Gov. Czarina “Cherry” Umali upang maiwasan ang pagtaas ng bilang ng kaso ng dengue.
Panawagan ng PHO, palaging isagawa ang 4’S Strategy o search and destroy, self-protective measures, seek early consultation at say no to indiscriminate fogging.
Dagdag pa ng PHO, pinakaimportante ang seek early consultation o pagkonsulta sa doktor kung nakakaranas na ng sintomas ng dengue. Aniya, mayroong libreng Rapid Diagnostic Test o RPD sa mga rural health unit ng lalawigan. –Ulat ni Irish Pangilinan