Walang matatanggap na dagdag suweldo ang mga empleyado ng Cabanatuan City Hall, base sa ipinasang panukalang Annual Investment Plan (AIP) at budget ng lungsod para sa taong 2018.
Ito ang ipinabatid ni Vice Mayor Anthony Umali sa kaniyang pananalita sa Flag Raising Ceremony noong Oct. 30, 2017.
Ayon sa Bise Alkalde, matapos pag-aralan ng Sangguniang Panlungsod ang ipinasa
Sa kanilang mga dokumento noong Oct. 16, 2017, araw ng deadline, na Proposed Budget at AIP para sa susunod na taon ay napansin nila na hindi naglaan ang administrasyon ng pondo para sa third tranche ng salary increase ng mga kawani na inaasahan na ng mga empleyado.
Kung si Juan ay nakatanggap ng P9,478 sa kaniyang buwanang suweldo sa 1st tranche, P9,981 sa second tranche, nakatakda naman siyang makakuha ng P10,510 sa third tranche.
Sa pahayag pa ni Umali, hindi pa nagtatakda ng araw para sa pagdinig ng Committee of the Whole ang Sanggunian dahil nagbabakasakali na maisama ang umento ng sahod.
Sa tantiya ng Bise Alkalde, nasa P40 million ang aabutin na pondo para sa dagdag suweldo. Kung tutuusin, ay kayang-kaya umano itong isingit sa Supplemental AIP ngayong taon na nagkakahalaga ng P158 million.
Ang ikatlong tranche ng salary standardization law ay nakatakda sa Executive Order 201 ng Aquino Administration. –Ulat ni Danira Gabriel