Nagsimula na kahapon ang 3-day celebration ng 10th Founding Anniversary ng ELJ memorial college (ELJMC) na may temang “Isang dekada ng pagpapahalaga sa kabataan ng Nueva Ecija.”

Umaga pa lang ay naging makulay na ang pagbubukas ng selebrasyon dahil sa walang humpay na pag-indak ng iba’t ibang grupo mula sa mga first year students sa isinagawang streetdance parade mula sa Plaza Concepcion, Provincial Capitol, Palayan City Science High School hanggang sa ELJMC Main Campus.

Napawi naman ang pagod ng lahat matapos ang masiglang pagsasayaw nang idaos ang isang Thanks giving Mass.

Bahagi rin ng unang araw ng selebrasyon ang isang programa ng paggunita at pasasalamat.

Dito ipinahayag ng mga successful alumni and board passers ang kanilang pasasalamat sa pagmamahal ni Governor Aurelio Umali at ng kanilang pinagmulang paaralan.

Sa mensahe ni Atty. Valentin Alberto, ELJMC consultant, ipinaliwanag niya kung gaano kamahal ni Governor Oyie ang mga guro at mag-aaral ng ELJMC.

Matapos ang naturang programa ay masaya namang nagsalu-salo ang lahat ng mga guro, mga staffs, alumni at mga estudyante sa isang boodle fight na siyang naging highlight ng unang araw ng pagdiriwang.

Ito ang kauna- unahang boodle fight sa nasabing paaralan kung saan inihain ang masasarap at pinoy na pinoy na pagkain tulad ng adobo, nilagang gulay,kanin, itlog na pula, kamatis at marami pang iba.

Ayon kay Cristina Roxas, ELJMC Management Committee Chairperson, layunin ng boodle fight na magkasabay-sabay kumain at upang makakain na rin ang lahat ng kanilang mga estudyante.

Dagdag pa ni Roxas, dahil sa tagumpay ng nasabing boodle fight ay taun-taon na itong magiging bahagi ng selebrasyon.

Samantala, bukas ang huling araw ng pagdiriwang ng 10th Founding Anniversary ng ELJMC kung saan magaganap ang pagtatanghal ng ELJMC Street Dancers, Battle of the Scholars at Search for Mr. And Ms. ELJMC 2015. – Ulat Ni Janine Reyes.