Tinuligsa ni Cabanatuan City Vice Mayor Anthony Umali ang mabilisang pag-amyenda ng resolusyon na tumutukoy sa pagbili ng heavy equipment ng City Government sa ginanap na Special Session noong miyerkules, January 25, 2017.

   Sa liham ni Mayor Jay Vergara sa Sanggunian, ipinanukala nito na amyendahan ang SP Resolution No. 102-2016 upang makapag-avail ang City Government ng Tax Exemption sa pag-import ng heavy equipment na itinakda ng Department of Finance. Ang ilan sa mga kinailangang baguhin ay ang mga sumusunod.

   Una, mabago ang titulo ng resolusyon, kung saan, isinasaad na bigyan siya ng karapatan na makipagtransaksiyon at pumirma ng kontrata sa mananalong bidder ukol sa pagbili ng karagdagang heavy equipment na inilaan para sa paggamit ng mga proyektong pang-imprastraktura ng lungsod ng Cabanatuan.

   Pangalawa, pinabago rin nito ang rason ng paggagamitan ng mga equipment mula sa “disaster preparedness operation and city’s disaster mitigation plans” ay pinapalitan ito ng “intended for the infrastracture projects of the city.”

   Ayon kay Umali, naiintindihan niya na hinahabol ng City Government ang deadline ng tax exemption. Ngunit, masiyado umanong mabilis ang pag-amyenda sa naturang resolusyon. Aniya, marami pa sanang katanungan ang dapat mahingan ng sagot.

   Habang, sa ikalawang pahina ay makikita ang listahan ng pitumpong heavy equipment na nakatakdang bilhin ng City Government na umaabot sa halagang P166 million.

   Sa pahayag ni Engr. Raul Gonzales chief ng Motorpool-Cabanatuan, limampu’t anim ang kasalukuyang equipment ng lungsod at tatlumpu’t walo dito ay hindi na umano napapakinabangan.

   Kinwestiyon din ng Bise Alkalde ang mga pinagkuhanan ng naturang pondo. Kung saan, isa sa mga hinugutan ay ang disaster fund.

   Inusisa rin nina Vice Mayor Umali at Kon. Nero Mercado, kung sino ang mga humahawak at nagmamaneho ng mga equipment ng lungsod.

   Dagdag pa ni Umali, hindi niya kinokontra ang intensiyon ng pamahalaan na makabili ng mga equipment. Kundi, ilagay lang aniya sa tamang proseso. –Ulat ni Danira Gabriel

https://youtu.be/WzgTkN5QuBY