Nakiisa ang daan-daang mga katoliko sa kauna-unahan at pinakamalaking selebrasyon ng kapistahan ng Sto. Niño sa Cabanatuan City.

Iba’t ibang imahe ng Sto. Niño ang ibinida sa parada na nilahukan ng ilang pamilyang katoliko at mga piling mag-aaral mula sa ilang eskwelahan sa lungsod.

Ayon kay Fr. Joel Carion, ginawa nilang mas kasiya-siya ang selebrasyon ng kapistahan ng Sto. Niño dahil nais niyang makita ng mga kabataan ngayon maging ng mga magulang kung ano o gaano kahalaga ang pagbibigay ng parangal sa batang si Hesus at huwag makalimutan ito lalo na ng mga bagong henerasyon.

Ang Pista ng Sto. Nino ay ipinagdiriwang tuwing ikatlong Linggo ng buwa ng Enero. Ito ang isa sa mga paraan umano ng mga katoliko na magpasalamat at magbigay galang at papuri sa ama at sa anak nito na si Hesus.

Sinasabing ang kauna-unahang imahe ng Sto. Niño ay unang dinala sa Pilipinas ng mga kastila. Totoong isang mahalagang panahon ito para sa mga Katoliko sa Pilipinas dahil isa ito sa nagsimula ng pagiging Katoliko maraming Pilipino. Ulat Ni Mary Joy Perez