Pinarangalan ang limang mag-aaral at limang young professionals sa The Outsanding Young Novo Ecijanos o TOYNE 2017 na ginanap sa Sierra Madre Suites sa Palayan City noong September 14.

Ang mga young professional awardee pagkatapos tumanggap ng plake ng pagkilala kasama si Gov. Czarina Umali, Chairman ng Provincial Youth and Development Office Billy Jay Guansing, at 2017 SEA Games Decathlon Champ Aries Toledo.
Mula sa tatlumpu’t anim na nominees, napili sina Argel Masanda, Rowell Diaz, Nico Bagus, Joshua Carl Julian at Allan David Valdez bilang young professional awardees.

Ang mga student awardee pagkatapos tumanggap ng plake ng pagkilala kasama si Gov. Czarina Umali at Chairman ng Provincial Youth and Development Office Billy Jay Guansing.
Sa student category naman ay tumanggap ng parangal sina Jan Nikko Montemayor, Cristoffer Adelante, Neil Vicencio, Devin Carl Sagun at Glenn Albert Almera.
Ayon kay Billy Jay Guansing, Chairman ng Provincial Youth and Development Office, ang TOYNE ay nasa ika-limang taon na ng pagbibigay ng pagkilala para sa mga mahuhusay at natatanging kabataan ng lalawigan. Ito ay sinimulan noong 2013 sa pangunguna ni Former Governor Aurelio Umali at ipinagpatuloy ng kanyang maybahay na si Governor Czarina Umali.
Sa talumpati ng ina ng lalawigan, ipinahayag ni Gov. Umali niya ang kanyang paghanga sa mga natatanging galing at talento ng mga kabataang Novo Ecijano at gayundin sa mga magulang nito.
Dagdag naman ni Guansing, apat na buwan ang iginugugol para sa interview at pagsusuri ng mga ipinasang portfolio ng mga nominado na naglalaman ng kanilang mga tagumpay sa kani-kaniyang larangan.
Isa sa mga young professional na nakatanggap ng parangal ay si Rowell Diaz na bagamat dalawang beses ng nabigo na makakuha ng plake sa TOYNE ay hindi ito sumuko.
Aniya, nais niyang maitaas ang estado ng kabataan sa kanilang barangay at magsilbing inspirasyon sa mga ito.
Isa rin sa ginawaran ng parangal si Joshua Carl Julian na nais himukin ang mga kabataan na maglingkod sa bayan para sa ikauunlad nito.
Para naman kay Cristoffer Adelante, pinakabata sa student category na pinarangalan, ang kanyang natanggap na pagkilala ay hindi lamang isang award ngunit isa ring responsibilidad na maglingkod at magbahagi ng kanyang mga talent upang magsilbing inspirasyon sa mga kabataan.