30 BAHAY KUBO NA GINAWANG LIBRARY, PAKULO NG MGA GURO SA BAYAN NG RIZAL

Maturuang mahasa sa pagbabasa at maipagpatuloy ang pagkatuto ng mga estudyante sa elementarya at maging ng mga out of school youth, ito ang hangarin ng mga guro sa Bayan ng Rizal, Nueva Ecija sa pagpapatayo ng tatlumpong “Bahay Kubooks”.

Ang mga bahay kubo na gawa sa kawayan at nipa na ginawang silid-aklatan at tinawag na “Bahay Kubooks” ay proyekto ng mga guro sa naturang bayan.

Pinuno nila ang mga ito ng kaalaman sa pamamagitan ng paglalagay ng iba’t ibang babasahin para sa mga bata.

Ilan sa mga nilalaman ng kanilang “Bahay Kubooks” ang mga librong pang-akademiko, kwentong bayan, alamat at iba pang reading materials na makatutulong sa pagkatuto at pagdevelop sa pagbasa ng mga bata.

Ayon kay Maam Marcy Cando ng Del Pilar Elementary School, nagsimula ang “Bahay Kubooks” sa isang hamon na bumuo, gumawa at magtayo ng isang kubo na sasagot sa kakulangan ng mga silid-aralan at learning gap ng mga kabataan dulot ng pandemya.

Sinabi ni Maam Marcy na ibinahagi niya ito sa social media upang maging inspirasyon ng lahat ng mga paaralan sa lalawigan ng Nueva Ecija at maipakita ang benepisyong maaaring maidulot nito sa mga kabataan.

Aniya, walang pintuan o sarahan ang mga kubong ito upang iparamdam na bukas ito para sa lahat ng mga nagnanais na matuto o mahasa ang pagbabasa sa tulong at gabay ng mga guro sa Rizal na mga nangangasiwa sa mga ito.

Naipatayo ang mga bahay kubo na ito sa dalawamput limang pampublikong paaralan sa elementarya at limang pampublikong paaralan sa High School sa tulong at pamamagitan ng mga donasyon mula sa mga residente ng Rizal.