PONDO PARA SA LIBRENG TSIBOG SA MGA ESTUDYANTE NG DSWD, DEPED, ITINAAS SA HALOS P11-B
Itinaas ng Kongreso sa 45.5 percent ang annual budget ng programa para sa libreng tsibog ng mga estudyante na inilaan ng pamahalaan sa Department of Education o Deped at Department of Social Welfare and Development o DSWD ngayong taon.
Sinabi ni House Deputy Speaker Ralph Recto, mula sa P7.48 billion na pondo para sa child feeding program noong nakaraang taon ay umakyat ito sa P10.89 bilyon ngayong 2023.
Sa ilalim ng 2023 General Appropriations, ang School Based Feeding Program ng DepEd ay pinaglaanan ng P5.6 billion mula sa P2.37 bilyon noong 2022. Makikinabang dito ang nasa 1.7 million na mag-aaral sa bansa.
Ang Supplementary Feeding Program ng DSWD ay mayroon namang P5.2 bilyon para mapakain ang 1,754,637 na batang may edad dalawa hanggang lima sa iba’t ibang komunidad. Ang nasabing pondo ay mas mataas sa P4.16 billion noong nakaraang taon.
Hinimok naman ni Recto sina Vice President at Education Secretary Sara Duterte at DSWD Secretary Rex Gatchalian na makipagtulungan sa mga local farmes para mapunuan ang pangangailangan sa feeding program.
Samantala, hinihintay pa rin ng DepEd at DSWD Nueva Ecija ang ibababang Implementing Rules and Regulations o IRR para sa 2023 feeding program ng pamahalaan na manggagaling sa Central Office sa Region 3.
Sa kasalukuyan, ang DSWD Nueva Ecija ay nasa 10th cycle na ng pagpapakain sa mga daycare students sa lalawigan para 2022 na pondo ng libreng tsibog.
Nasa 39,072 na estudyante mula sa 2 hanggang 5 taong gulang ang maseserbisyuhan ng kanilang Supplementary Feeding Program o SFP ayon kay Christer Carrandang, Partnership Officer ng nasabing ahensiya.