Halos Isang libo at limang daang estudyante ng Nueva Ecija University Of Science And Technology o NEUST ang matagumpay na nagtapos sa 98th Degree and 114th Non-Degree Commencement Exercises ng Unibersidad na ginanap noong April 6, 2018.

Kung saan, nagsilbing panauhing pandangal at tagapagsalita ang Ina ng Lalawigan, Gov. Czarina “Cherry” Umali.

Sa kaniyang mensahe, ay sinabi nito na kapag nangarap ay samahan ng gawa at piliting abutin ito. Panghawakan ang bawat oportunidad at huwag hayaan na ang kasalukuyang sitwasyon ang magdikta ng kanilang kinabukasan.

Maaari aniyang maihalintulad ang mga nagsipagtapos sa isang Agila na may kakayahang lumipad ng mataas upang makamit ang mga pangarap sa buhay.

Naniniwala ang Ina ng Lalawigan, na ang pagtatapos sa kolehiyo ay simula pa lamang ng pagharap sa totoong hamon ng buhay. Aniya, harapin ang mundo at abutin ang rurok ng tagumpay. Ngunit, huwag kalimutan ang mga taong tumulong at nagsakripisyo upang marating ito.

Dahil sa walang sawang suporta ng Gobernadora ay walang humpay din ang pasasalamat ng naturang Unibersidad.

Kagaya na lamang ng pagbibigay ng Pamahalaang Panlalawigan nitong February 2, 2018 ng P7.9 Milyon na pondo para sa Centralized Air-Conditioning System ng gymnasium ng NEUST.

Ang naturang pagtatapos ay isa lamang sa tatlong araw na pagsasagawa ng Commencement Exercises ng Unibersidad. –Ulat ni Danira Gabriel