COVID-19 ALLOWANCE MULA FEB.-JUNE, MAKUKUHA NA NG MGA HEALTH WORKERS SA PROBINSYA
Matatanggap na ng mga health workers mula sa Provincial Health Office at sampong ospital na pinatatakbo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang kanilang COVID-19 allowance.
Ito ay matapos na pahintulutan ng Sangguniang Panlalawigan sa kanilang 41st Regular Session si Governor Aurelio Umali bilang kinatawan ng provincial government na lumagda sa kasunduan sa pagitan ng Department of Health (DOH)- Central Luzon Center for Health Development para sa pagkakaloob ng One COVID-19 Allowance (OCA) para sa mga pampubliko at pribadong health workers.
Ang mga ospital na ito ay kinabibilangan ng ELJ Hospital, San Jose City General Hospital; mga District Hospitals ng Bongabon, San Antonio, Gapan, Guimba, at Sto. Domingo; mga Medicare and Community Hospitals ng Gabaldon, Gen. Tinio at Carranglan.
Sakop nito ang allowances ng mga medical frontliners mula buwan ng Pebrero hanggang Hunyo, taong kasalukuyan, na may kabuuang halaga na mahigit Php32-million.
Ayon kay Vice Governor Anthony Umali na nararapat lamang na maipagkaloob na sa mga patuloy na humaharap sa laban kontra COVID ang kanilang allowance dahil sa pagtataya ng kanilang sariling buhay para sa paglilingkod sa bayan.