Ipinamigay ng Provincial Government ang pitong Waterpumps para sa mga magsasaka at tatlong libong bag ng Semento para sa iba’t ibang barangay ng bayan ng Cabiao.

Pinangunahan ni Gov. Aurelio Matias-Umali at 3rd District Congw. Cherry Umali ang mga pamimigay ng Waterpumps upang madaling makadaloy ang tubig sa mga bukirin ng mga magsasaka sa naturang bayan.

Tubig ang pangunahing kailangan sa bayan ng Cabiao lalo na at nasa dulong bahagi ito ng lalawigan. Karaniwan na umanong problema ng mga magsasaka ay ang kakulangan ng supply nito. Dahil kung hindi nauubusan, nahaharangan ito ng mga ibang lugar.

Ayon kay Gov. Umali, hindi niya papayagan na mawalan ng tubig ang mga magsasaka sa kanyang lalawigan. Lalo’t nakaamba ang pagdating ng El Niño o matinding tagtuyot sa susunod na buwan ng Oktubre.

Habang ang tatlong libong semento ay paghahati-hatian ng labing isang Barangay kabilang na ang Bagong Sikat, Entablado, Natividad South, Polilio, San Antonio, San Juan North, San Vicente, Sinipit, Sta Ines, Sta Isabel at Sta Rita, upang maipagawa ang mga kalsada o gusali sa kani-kanilang barangay.

Dagdag ni Congw. Cherry Umali, handa nilang tulungan ang lahat upang masolusyunan ang mga problema ng bawat barangay.

Pasasalamat naman ang naging tugon ng mga tumanggap ng mga materyales.—-ULAT NI DANIRA GABRIEL