4 NA BANGKA MULA SA DOST, MAGSASALBA SA MGA BAYANG BINABAHA SA NUEVA ECIJA
Natanggap na ng apat (4) na Local Government Unit sa Nueva Ecija ang unsinkable small watercraft na ipinagkaloob ng Department of Science and Technology Region III.
Ito ay resulta ng nilagdaan na memorandum of agreement ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Gov. Aurelio “Oyie” Umali at suporta ng Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Vice Governor Doc Anthony Umali at DOST sa ilalim ng Community Empowerment through Science and Technology Program na may layuning maitaas ang antas ng pamumuhay lalo’t higit sa mga isolated and disadvantage area.
Ayon kay DOST Provincial Director – Nueva Ecija Leidi Mel Sicat, ibinigay ang mga nasabing bangka sa Provincial Government of Nueva Ecija, Gabaldon, Pantabangan at Licab upang mapalakas ang kahandaan at mapadali ang pagtugon pagdating ng mga kalamidad.
Kwento nito, isa sa mga nagiging kalbaryo ng PDRRMO- Nueva Ecija ay ang pagrescue sa mga maliliit na eskinita na binabaha gamit ang mga malalaking kagamitan kaya sa pamamagitan ng bangkang ito ay mabilis nang makararating ang mga rescuer sa mga apektadong lugar.
Sa Pantabangan, ayon kay LDRRMO Dennis Paddayuman, malaking tulong sa kanilang bayan ang ipinamahagi ng tanggapan dahil sa pamamagitan ng Pantabangan Dam ay mas madali na silang makapaglilikas ng mga residente na hindi na kokonsumo pa ng mahabang oras sa pagpunta.
Sinabi naman ng LDRRMO Cielo Jintalan ng Gabaldon, magagamit nila ang nasabing bangka sa kanilang mga residente sa Brgy. Bagong Sikat at Brgy. Tagumpay na madalas na binabaha sa lugar.
Base naman kay MDRRMO Officer Michelle Manabat ng Licab, catch basin ang kanilang bayan kaya mahalaga na magkaroon sila upang agad na makapagresponde sa mga mabababang lugar.
Ang Unsinkable Small Watercraft ay mas angkop gamitin kapag may ire-rescue sa isang flooded area na pwedeng sakyan ng hanggang 12 katao. May kapasidad din ito na lumutang kahit mababaw ang tubig kumpara sa normal na bangka na lulutang lamang kapag nasa apat o limang talampakan na tubig ang baha. Bukod dito ay mas madali rin itong dalhin at kayang ideploy ng dalawang rescuer dahil sa very light weight na materyales ayon kay Provincial Disaster Risk and Reduction Management Officer Michael Calma.