LIBRENG GASUL, ELEKTRISIDAD, POSIBLE SA HOUSEHOLD SMALL BIOGAS SYSTEM
Posibleng malibre sa gasul at elektrisidad ang mga mamamayang Pilipino sa pamamagitan daw ng Household Small Biogas System na ipinakikilala ni Engr. Reygie Ramirez, ng Bantog Norte, Cabanatuan City.
Ayon kay Engr. Reygie, ginagamit na ang biogas system noong 17th century pa lamang na mabisang nakapagpoproduce hindi lamang ng gas at elektrisidad kundi maging ng organic fertilizer.
Ang biogas ay nabubuo sa pamamagitan ng mga manure o dumi ng mga hayop at mga retaso ng gulay na inilalagay sa isang silyadong lalagyan na walang anumang hanging maaaring pumasok dito.
Kinakailangan aniya ng isang drum na magsisilbing biogas digester o paglalagyan ng mga waste kitchen materials at dumi ng mga hayop, lalagyan ng tubig at maghihintay ng 25 araw upang makabuo ng gas.
Para maging mabisa ang pagbuo ng gas ay dapat tama aniya ang timpla nito, kailangan 10% ng total volume ng biogas digester o ng drum na gagamitin ang ilalagay na manure o kitchen waste at tsaka pupunuin ng tubig.
Pagbabahagi ni Reygie, ang biogas ay eco-friendly na makatutulong upang malimitahan ang init ng mundo sanhi ng global warming; binabawasan nito ang green house emission na binubuga o nanggagaling sa mga powerplant at mga sasakyan; simple at mababa lamang ang maaaring gastusin; at carbon neutral o maaaring gamitin para palitan ang fossil fuel para makabuo ng kuryente at init na maaaring gamitin sa pagluto.
Bagaman hindi pa aniya nasusubukan o maaaring gamitin bilang gasolina sa mga sasakyan ang biogas ay siniguro naman nitong ligtas itong gamitin.
Ngunit ibayong pag-iingat pa rin aniya ang dapat na panatilihin tulad ng paggamit ng mga LPG, huwag ilagay sa sikat ng araw hanggat maaari ay panatilihin ito sa 34-35 degree na temperatura upang hindi bumaba ang produksyon nito ng gas.
Sinabi ni Reygie na may kapasidad o kakayanan ang probinsya maging ang buong bansa upang gawin ito, at hindi na kinakailangang masyadong dumepende sa ibang bansa tulad ng Middle East at Russia.