Araw-araw ang isinasagawang pagkatok ng bawat estasyon ng Nueva Ecija Provincial Police Office (NEPPO) sa kabahayan ng mga gun owners sa buong lalawigan.
Ito ay sa ilalim ng “Oplan Katok at Bilang Boga ng PNP alinsunod sa Republic Act 10591 o ang ‘Comprehensive Law on Firearms and Ammunition and Providing Penalties for Violations’ at Comelec Resolution No. 10197 o ang Comelec Gun Ban.
Sa isang panayam, nanawagan si Provincial Director Police Senior Superintendent Eliseo Tanding sa mga nag-mamayari ng baril na kusa nang isuko ang mga armas lalung lalo na kung expired na ang lisensya dahil itinuturing na umano itong loose firearms.
Ipinaalala rin ng NEPPO na huwag nang dalhin sa labas ang mga armas dahil suspendido na ngayon ang PTCFOR o Permit to Carry Firearms Outside Residence.
As of April 13, umabot sa tatlongdaan at siyamnapu’t limang baril ang nakumpiska mula sa iba’t ibang bayan na ipinresenta ng mga kapulisan sa mga mamamahayag sa ginanap na Media Firearms Presentation nitong nakaraang Biyernes sa NEPPO gymnasium, Cabanatuan City.
Bukod pa rito, nagsimula na rin ang kapulisan na maglunsad ng mga checkpoints sa iba’t ibang lugar.
Ang Oplan Katok/ Bilang Boga at Comelec gun ban ay may layuning gawing mapayapa ang nalalapit na barangay at Sangguniang Kabataan elections sa darating na May 14. – ULAT NI JANINE REYES.