NOVO ECIJANONG SIKLISTA, NASUNGKIT ANG 3RD PLACE SA INTERNATIONAL CYCLING CHALLENGE SA MALAYSIA
Naiuwi ng disi-syete anyos na siklistang si Ruzel Agapito ng Brgy. Pula, Cabanatuan City, ang ikatlong pwesto sa Category B (Open Amateur) sa Darul Ridzuan Cycling Club (DRCC) International King of the Mountain (KOM) Cycling Challenge 2022 na ginanap sa Ipoh, Malaysia nitong buwan ng Disyembre.
Ayon kay Coach Gerald Valdez ng Batang Placido Development Cycling Team, ito ang unang pagkakataon na sumabak ang kanilang grupo sa patimpalak sa internasyunal at out of 300 riders na lumahok mula sa iba’t ibang bansa ay ipinagmamalaki nilang maiuwi ang 1st at 3rd place sa Category B.
Tubong Pangasinan ang nakakuha ng unang pwesto sa Open Amateur Category na si John Vincent Rubio habang sa Category A (Elite Category) ay nasungkit naman ni Sir Gerald ang ikalimang pwesto.
Binuo ang Batang Placido Development Cycling Team noong 2017, sa pangunguna ng tanyag na siklista sa Nueva Ecija na si Placido Valdez na naglalayong diskubrehin at sanayin ang mga kabataang Novo Ecijano na magpapatuloy sa karera ng mga batikang siklista sa lalawigan.
Pagbabahagi ni Sir Gerald dahil ito ang unang pagkakataon na lumahok sila sa kompetisyon sa labas ng bansa ay naranasan nila ang hirap sa paghahanap ng tulong pinansyal at kakulangan din sa pondo ang isa sa pagsubok na kinahaharap nila upang palakihin pa ang kanilang grupo.
Panawagan ni Sir Gerald sa lahat ng mga LGUs sa buong bansa na sana’y suportahan ang mga kabataang manlalaro lalo na sa mga nakapag-uuwi ng karangalan sa kanilang mga bayan o maging sa bansa.
Sinabi ni Sir Gerald na isa ang sports sa mga paraan upang mailayo ang mga kabataan sa anumang mga masasamang bisyo tulad ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot at makatutulong din sa mga ito upang matutunan ang disiplina sa sarili.
Sa kabila ng kakulangan sa pondo ay nangangarap pa rin aniya si Sir Gerald na sa taong 2023 ay maidala pa rin sa mas mataas na antas ng kompetisyon sa larangan ng cycling ang mga kabataang Novo Ecijano.