Higit isandaang nanay sa Nueva Ecija ang nagtipon at sabay – sabay na nagpasuso ng kanilang mga anak nitong Sabado na isinagawa sa Pacific Mall Event Center sa Cabanatuan City bilang pakikiisa sa “Hakab Na! 2019” sa pagdiriwang ng National Breastfeeding Month.
Ang Hakab Na! 2019 ay sabayang pagpapasuso ng mga nanay sa kanilang mga anak na ginaganap sa iba’t – ibang lugar dito sa Pilipinas upang magbigay kamalayan tungkol sa mga benepisyong naidudulot nito.
Sa panayam kay Karen Palma Co – Founder ng Nueva Ecija Breastfriend, inihayag nito na layunin ng Hakab Na! 2019 na magkaroon ng kaalaman ang mga ina tungkol sa breastfeeding o pagpapasuso at ibalik sa uso ang nakaugalian ng mga nanay na nagpapasuso ng kanilang mga sanggol.
Nais naman ni Nor – ann Villete, Co – Founder din ng Breastfriend, na ipakita sa publiko ang mga benepisyo ng breastfeeding na bukod sa masustansya at nagsisilbing bonding time ng nanay sa kanyang anak ay makatutulong din ito para makatipid sa pagbili ng formula milk ang mga magulang ng bata.
Isa lamang ang working mommy na si Jenny Rose Angeles 31 years old mula sa bayan ng Sto. Domingo na sinisikap na mapasuso ang premature na anak upang maging malusog ito.
Kwento sa amin ni Jenny Rose hindi naging madali ang breastfeed journey niya dahil ipinanganak nyang hindi normal ang kaniyang nag – iisang supling na may bigat na 2 kilograms kaya kailangan nitong manatili sa ospital kung saan niya ito dinadalhan ng kanyang gatas.
Payo ni Jenny sa mga mommies na katulad niyang nagpapasuso na kumain ng malunggay at tulya dahil ang mga pagkaing ito ay nakatutulong upang makaipon ng mas maraming gatas. Ulat ni Joice Vigilia/ Shane Tolentino