SENSITIBONG BALITA
Nueva Ecija, pangatlo sa pinakamaraming kaso ng HIV sa Central Luzon
Patuloy na tumataas ang kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa Pilipinas ayon sa Department of Health.
Sinabi ni DOH Officer-in-charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nasa 1,346 ang naitalang nahawaan ng sakit nitong buwan ng Hulyo, mas mataas kumpara sa mga kada buwan noong nakaraang taon.
Dagdag pa ni Vergeire, halos 150,000 na ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng nasabing sakit.
Sa Nueva Ecija, sa listahan ng DOH-Regional Epidemiology and Surveillance Unit, pangatlo ang lalawigan sa may pinakamaraming kaso ng HIV sa Central Luzon.
Nanguna ang Bulacan na may 3,704 na HIV cases, sumunod ang Pampanga na may 2,934 at ang Nueva Ecija na ma 1,313 na kaso simula noong 1984 hanggang Hunyo 2022.
Karamihan sa mga nagkakasakit ay mga lalaki na nakikipagtalik sa kapwa nito lalaki na may bilang ng kaso na 674 at may edad na 24 hanggang 34 na mayroong 710 cases.
Ayon kay Jhoana Marie Manansala-Pongasi, HIV Coordinator ng Provincial Health Office, tumataas ang HIV/AIDS cases sa lalawigan kung saan nakapagtala na ng 118 panibagong kaso at 13 ang nasawi mula noong January hanggang June 2022.
Ang lungsod ng Cabanatuan ang may pinakamataas na bilang ng kaso ng sakit nitong taon na umabot na sa 42, pangalawa ang bayan ng Jaen na may 8 kaso at Santa Rosa na may 7 kaso.
Upang matigil ang pagdami ng kaso ng nakakahawang sakit ay nagsagawa ang PHO ng health education awareness na mismong sila ang bumababa sa bawat bayan at lungsod ng lalawigan, libreng HIV Testing and counseling at pamamahagi ng condom at lubricants sa mga sexually active.
Sa mga nais na magpatest sa HIV ay maaaring pumunta sa mga health centers at district hospitals ng lalawigan. Mayroon ding Treatment Hubs sa Nueva Ecija na maaaring puntahan ng mga nais magpakonsulta. Ito ay sa Premiere Medical Center/ TAHANAN sa Premiere at Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center/Sanctuario de Paulino sa Cabanatuan City, Talavera General Hospital o Talavera’s Hope at sa Guimba Community Hospital o Balay Ti Namnama.