Paglingkuran ang bayan, ito ang naging hamon sa campus media ng Central Luzon State University sa ginanap na seminar ng National Union of Journalists of the Philippines-Nueva Ecija na pinamagatang “Campus Freedom para sa Bayan” bilang paggunita sa “Araw ng mga Pambansang Bayani”.
Sa pakikipagtulungan kay University Gender and Development Office Director Janet Saturno, mahigit kumulang isandaang mamamahayag ng CLSU ang aktibong lumahok sa pagtalakay sa ilang isyung kinakaharap ng Pilipinas sa pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte, katulad ng federalism at Martial Law.
Matapos balikan ni NUJP-NE Chair Sonia Capio ang naging kontribusyon ng mga kabataang naging bayani ng ating kasaysayan mula sa pananakop ng mga kastila hanggang panahon ng Martial Law, iniwan nito sa mga mag-aaral ang katanungan kung ano ang ginagawa nila para sa bayan?

Si NUJP-NE Chair Sonia Capio habang ibinabahagi sa campus media ng CLSU ang mga kontribusyon ng mga estudyanteng naging bayani noong panahon ng mga kastila
Ayon kay Lynell Alejandro, CLSU Collegian, bilang isang kabataang mamamahayag mahalaga na maging bahagi siya ng pagpapalaganap ng makatotohanang balita lalo na dahil talamak sa kasalukuyan ang pagkalat ng “fake news” sa social media.
Ibinahagi naman ni Director Bonifacio Ilagan, Panauhing Tagapagsalita ang kanyang mga naging karanasan noong dekada sitenta na siya ay estudyante pa lamang at nagpasyang sumapi sa rebolusyon upang ibagsak ang diktaturya.
Hinikayat ni Ilagan na maglingkod muna sa bayan ang mga kabataang mag-aaral pagka-graduate bago nila tuparin ang kanilang pansariling pangarap sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang kaalaman at serbisyo sa mamamayan.
Sa pagtatapos ng programa binigyang diin naman ni Professor Janet Saturno ang kahalagahan ng gender equality sa larangan ng pamamahayag.- ulat ni Clariza de Guzman