Aktibong nakilahok ang bawat kooperatiba ng dalawampu’t pitong munisipalidad at limang syudad ng Nueva Ecija sa mga patimpalak na isinagawa sa pagbubukas ng selebrasyon ng Cooperative Month nitong Miyerkules, ika-4 ng Oktubre sa Freedom Park, Cabanatuan City.

Kinukulayan ng isang kalahok ang kanyang iginuhit para sa poster making contest ng Cooperative Month Celebration.
Nagkaroon ng paligsahan sa paggawa ng slogan sa unang araw ng selebrasyon. Sinundan naman ito ng patimpalak sa poster making kaugnay sa tema ng pagdiriwang. Mayroon ding quiz bee para sa school at cooperative category at choral singing contest.
Ang naturang pagdiriwang na may temang “Empowering the Poor and the Vulnerable Towards Inclusive Growth and Sustainable Development” ay sa pangunguna ng Provincial Cooperative Development Council o PCDC at Provincial Cooperative and Entrepreneurship Develepmont Office o PCEDO sa pakikipagtulungan ng provincial government sa pangununa ni Gov. Czarina Umali.
Ayon naman kay PCDC Chairman Dr. Honorato Panahon, layunin ng kooperatiba na magkaroon ng social justice at economic development upang maabot iyong mga nasa laylayan ng lipunan at matulungan ito sa kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng pagtutulungan sa pagbuo ng kanilang negosyo.
Dagdag naman ng PCEDO Officer-in-charge, mahalaga ang ganitong klase ng pagdiriwang sapagkat dito naipapakita at naibabahagi ng mga kooperatiba ang kanilang mga talento at nilikhang produkto.

Kabilang ang Calabalabaan Farmers Agrarian reform Beneficiaries Cooperative ng Science City of Muñoz sa 27 na munisipalidad at 5 syudad na nakilahok sa trade fair.
Aniya, ito ay sa pamamagitan ng Trade Fair kung saan tampok ang iba’t-ibang produktong gawang Novo Ecijano katulad ng mga wood furnitures, bead works, wine, kakanin at marami pang iba.
Samantala, ang Cooperative Month Celebration ay tatagal ng tatlong araw o hanggang Biyernes, ika-6 ng Oktubre habang panibagong mga aktibidad ang nakalatag para sa mga susunod na araw nito katulad ng Search for Gng. Kooperatiba, bloodletting program at marami pang iba.