2 bokal, naghain ng panukalang batas sa pagpapalakas sa pangangalaga sa mga hayop

Ordinansa para sa pagpapalakas sa pangangalaga, pagprotekta sa mga hayop at pagpapataw ng kaukulang parusa sa mga lalabag dito ang inihain nina Board Member Napoleon Interior Jr. at Board Member Eduardo Jose Joson VII sa Sangguniang Panlalawigan.

Sa ika-33 virtual Regular Session ng SP noong August 30, 2022 ay pinagtibay sa unang pagbasa ang titulo o pamagat ng panukalang ordinansa na “An Ordinance Strengthening and Enhancing the Animal Welfare and Protection of Nueva Ecija, Providing Penalties for Violation Thereof and for Other Purposes”.

Ayon kina Bokal Interior at Bokal Joson, talamak pa rin sa lalawigan ang pagmamaltrato at pagkatay sa mga domestic animals tulad ng mga aso at pusa at ilan sa mga kaso ng namatay dahil sa rabies ay mga dog meat lovers o kumakain ng karne ng aso.

Nilinaw din ni Bokal Interior na sakop ng ordinansang ito ang lahat ng uri ng mga hayop sa kapatagan o kanundukan man.

Nagpahayag naman ng suporta sina Bokal Eric Salazar at Bokal Emmanuel Domingo sa panukalang ito at siniguro din ni Vice Governor Anthony Umali na sakaling maaprubahan na ang ordinansa ay makikiisa ang bawat munisipalidad at lungsod maging ang mga barangay sa pagpapatupad nito.

Bukas din naman ang dalawang bokal sa iba pang suhestiyon at karagdagang probisyon na nais idagdag ng iba pang mga bokal sa naturang ordinansa na kanilang tatalakayin sa ikalawang pagbasa sa susunod na sesyon sa September 6, 2022.