Ipinagdiwang ng iba’t ibang tribu sa Lalawigan ng Nueva Ecija ang 3rd Padit-Subkal Festival, kahapon, October 29, 2019 sa Convention Center, Palayan City, sa pakikiisa ng Provincial Government na nagbigay ng libreng konsultasyong medikal at dental at mga gamot para sa kanila.
Maliban dito ay naghandog din ng libreng manicure at pedicure, libreng gupit at masahe ang Provincial Manpower Training Center o PMTC na lubos na ikinatuwa ng mga ito.
Ayon kay Dr. Donato Bumacas, Provincial Officer ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) – Nueva Ecija Provincial Office (NEPO), ang Oktubre bente nueve ay selebrasyon bilang araw ng mga katutubo sa buong bansa dahil sa pagkakapasa ng Indigenous Peoples Rights Act of 1997 na sa kasalukuyan ay nasa ika-dalawamput dalawang taon na.
Dito sa Nueva Ecija bilang suporta ng pamahalaang panlalawigan ay idinadaos ang Padit-Subkal Festival na naglalayong maipreserba ang kultura ng mga katutubo at makaakit ng mga turista at investors.
Ani Bumacas, malaki ang kanilang pasasalamat sa pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng pamumuno ni Governor Aurelio Umali na nagbibigay ng pagpapahalaga at respeto sa kanilang mga karapatan bilang mamamayang Pilipino.
Nagsilbi namang Panauhing Pandangal si Vice Governor Anthony Umali, sa kanyang talumpati ay binigyang diin nito ang pagkakapantay-pantay ng bawat mamamayang Novo Ecijano na nararapat na bigyan ng serbisyong may tunay na malasakit.
Matapos ang kanyang talumpati ay pinaunlakan naman ng bise gobernador ang paanyaya sa kanya sa isang Community Dance ng mga katutubo at masayang nakihalubilo sa mga ito.
Bilang bahagi din ng kasiyahan ay nagpakitang gilas at nagpaligsahan naman ang mga katutubo sa pagsasayaw ng kanilang mga katutubong sayaw na lalong nagpasigla at nagpasaya sa selebrasyon.
Ang mga nanalo ay nagkamit ng isang libong piso, ang 2nd price ay 800 pesos, ang 3rd ay nakatanggap ng 600 pesos habang ang mga hindi pinalad ay nakapag-uwi pa rin ng tig-limang daang piso.— Ulat ni Jovelyn Astrero