29 blood units, nakolekta sa Blood Letting Program ng ELJ Hospital
Aabot sa 29 bags ng dugo ang nalikom ng ELJ Hospital sa ginanap na Blood Letting Activity na may temang “Dugong Alay Mo, Katumbas ng Buhay Ko” noong Huwebes, September 8, 2022.
Tinatayang nasa 50 katao ang nakibahagi sa programa kung saan 29 lamang ang nakapasa sa screening ng doctor.
Ang aktibidad ay bahagi ng selebrasyon ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Gov. Aurelio “Oyie” Umali katuwang ang Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center, Kiwanis Club Nueva Ecija Movers Division 2C , PNP Nueva Ecija at CIDG Nueva Ecija.
Ayon kay Dr. Augusto Abeleda, layunin nito na makaipon ng iba’t-ibang blood type na gagamitin ng ospital para sa mga indigent patient na kanilang ilalagak pansamantala sa Blood Bank ng Dr. PJG Hospital.
Aniya, napakahalaga sa isang ospital na mayroong dugong nakaimbak dahil sa oras na may emergency ay nakahanda agad na masalinan ng dugo ang pasyente na makapagdudugtong sa kaniyang buhay.
Kwento ni Dr. Abeleda, maganda sa katawan ng tao ang nagdodonate ng dugo dahil nakikita dito kung may sakit ang isang tao o wala.
Tulad nina Police Staff Sergeant (PSSg) Dominador Dela Cruz Jr. at PSSg Jon-Jon Sason ng Aliaga Police Station na regular na nakikiisa sa tuwing mayroong Blood Letting Activity.
Lubos na nagpasalamat si Dr. Abeleda sa mga pulis, empleyado at mga ordinaryong mamamayan na nakibahagi sa kanilang aktibidad