Pinabulaanan ng SSS ang mga paratang na hindi umano sapat ang kanilang pondo upang sustentuhan ang P2,000 Pension Hike. Lalo na ng manghingi ang ahensiya ng dagdag na kontribusyon sa darating na buwan ng Mayo.

   Nilinaw ng Social Security System (SSS) na hindi pangbayad sa P1,000 dagdag pension nitong Enero ang monthly contribution increase na ipatutupad ng ahensiya sa buwan ng Mayo.

   Sa pahayag ni SSS Senior Communication Analyst Maureen Inocencio, may pondo aniya ang ahensiya para sa dalawang libong dagdag pensiyon. Habang ang 1.5% increase contribution ay gagamitin bilang Investment Reserve Fund ng SSS upang mapahaba ang lifespan nito sa mga bagong miyembro.

   Para sa mga minimum payers na kumikita ng P1,000 pataas buwan-buwan. Kung saan, P110 kada buwan ang inihuhulog sa SSS. Sa buwan ng Mayo P125 na ang inyong babayaran. Sa suma total, kinse pesos ang madaragdag sa inyong kontribusyon.

   Hirit ng SSS, kakarampot lamang umano ito kumpara sa mga benepisyong mapapakinabangan ng mga miyembro pagdating ng panahon.

   Samantala, inaasahan na sa darating na huling linggo ng Enero o unang linggo ng Pebrero tuluyan ng maibibigay sa mga retiradong miyembro ang ipinangakong isang libong dagdag pensiyon.

   Isa sa mahigit dalawang milyong pensiyonado na makikinabang ay itong si Mang Virgilio, 62 years old at 2 taon ng pensionado ng SSS.

   Habang ang second tranche ng P1,000 Pension Hike ay inaasahang ibibigay sa taong 2020. -Ulat ni Danira Gabriel