25,000-35,000 students, mabebenepisyuhan ng educational assistance ng DSWD-Nueva Ecija

Pinatigil na ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang online application para sa educational assistance na laan sa mga mahihirap na estudyante.

Ito ay matapos na sabihin ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na umabot na sa mahigit 2 milyong indigent students ang nakarehistro online. Aniya, hindi na kakayanin pa ang pondo na P1.5 billion ng ahensiya kung sakaling madadagdagan pa ang bilang nito.

Umabot na sa P600 to P800 milyon ang naipamahagi na sa bansa kung saan nasa mahigit 293,000 na mga mag-aaral mula sa kolehiyo at vocational ang nakatanggap ng cash assistance.

Dito sa Nueva Ecija, umabot na sa 109,000 aplikante ang nagregister online kung saan 70,000 dito ang aplikante na nakapasa sa verification ng mga social worker kaya minabuti na ng ahensiya na isara ang pag-aapply simula noong September 1, 2022.

Ayon kay Christer Carandang, Partnership Officer ng DSWD-Nueva Ecija, 25,000 hanggang 35,000 lang ang target na bilang ng estudyante ang mabebebnepisyuhan ng programa.

Kung sakaling hindi mapag-abutan ng pondong ibinaba ng DSWD na P120-million pesos sa lalawigan, mananatili naman sa listahan nito ang mga nakapasa na kanilang ipaprayoridad kung sakaling magkakaroon muli ng karagdagang pondo.

Sa ngayon, mahigit 10,000 students na ang nabigyan ng educational assistance sa probinsiya.

Ang huling payout ng educational assistance ay sa darating na dalawang Sabado sa September 17 at 24 kung saan makatatanggap ng P1,000 na financial assistance ang elementary students, P2,000 para sa high school, P3,000 sa senior highschool at P4,000 para naman sa mga estudyante sa kolehiyo.