Bagong gymnasium sa Brgy. Lourdes, Cabanatuan, pormal nang pinasinayaan!
Pormal nang pinasinayaan ang bagong gymnasium na ipinatayo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa Brgy. Lourdes, Cabanatuan City noong Lunes, September 5, 2022.
Ayon kay Governor Aurelio “Oyie” Umali, pinagsumikapan ni Kapitana Gemma Fajardo na magkaroon ng sariling covered court ang kanyang mga nasasakupan.
Matagal nang pinagarap ni Kapitana Fajardo ang gym na ito na magagamit ng mga taga-Lourdes sa mga gawaing isports at magsisilbing venue ng malalaking gawain at programa sa nasabing barangay.
Kwento pa ni Kapitana, simula nang magrequest ito noong 2021 ay agad na sinimulan ng kapitolyo ang pagpapagawa nito na umabot lamang ng halos pitong buwan.
Sa pangunguna ni Fr. Ramil Tapang ay binasbasan ang pagbubukas ng naturang gym kasama ang gobernador, mga opisyal ng barangay at mamamayan ng Lourdes.
Nagpasalamat naman si Kapitana Fajardo at mga residente nito sa patuloy na pagsuporta ng gobernador sa kanilang barangay lalo na sa lupang ibinigay nina Gov. Oyie at dating Congresswoman Cherry Umali na pinagtayuan ng kanilang barangay hall.
Bukas naman para sa lahat ng mamamayan ng Lourdes ang paggamit ng gymnasium.