Dinumog kahapon ng media ang Nueva Ecija Police Provincial Office dahil sa pagsulpot ng diumano’y illegal recruiter na si Ma. Cristina Sergio na siyang sinisisi kung bakit nahatulan ng kamatayan si Mary Jane Veloso dahil umano sa pagpupuslit ng 2.6 na kilo ng heroin sa bansang Indonesia.

Ayon kay Sergio, lumapit siya sa pulis upang humingi ng proteksyon dahil nakakatanggap daw siya ng mga death threat mula sa pamilya ni Veloso.

Matapos makakuha ng assistance sa Public Attorney’s Office at papirmahin sa affidavit of custody ng pulisya, matapang na humarap sa press conference si Cristina kung saan pinabulaanan niya ang mga alegasyon na ipinupukol sa kanya ng pamilya ni Mary Jane at mga tagasuporta nito.

Itinanggi rin niya na nagtatago siya at inihayag na wala pa siyang natatanggap na impormasyon tungkol sa mga kasong illegal recruitment, human trafficking, at estafa na isinampa laban sa kanya sa National Bureau of Investigation.

Inamin ni Cristina sa harap ng mga mamamahayag na nalulungkot siya sa sinapit ni Mary Jane at naniniwala siya na inosente at naging biktima lamang ito.

Nakahanda raw sana siyang tulungan ito ngunit binalewala lamang aniya ng pamilya Veloso ang kanyang inihaing tulong.

Ngayong lumutang na si Cristina ay umaasa umano siya na malilinis niya ang kanyang pangalan at magkakaroon siya ng patas na paglilitis at hustisya sa kasong kinasangkutan.- Ulat ni Clariza De Guzman