Ofw na nasawi dahil sa sakit, tinulungang makauwi ng PGNE

Isang Overseas Filipino Worker na nasawi mula sa Riyadh, Saudi Arabia ang tinulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija na maiuwi ng Pilipinas nitong Sabado, September 10, 2022.

Unang dumulog ang pamilya ni Remedios Ison sa Provincial Employment Service Office OFW Help Desk sa pangunguna ni PESO Chief Maria Luisa Pangilinan upang ilapit ang sitwasyon ng kanilang kapamilya na namatay noong July 11, 2022 dahil sa sakit na Toxic Goiter na naging sanhi ng Cardiac Arrest.

Sa direktiba ni Governor Aurelio “Oyie” Umali ay inatasan nito ang PESO at PSWDO na asikasuhin ang lahat ng pangangailangan ng pamilya Ison simula sa pagpapauwi, pagcremate, pagburol hanggang sa libing nito.

Sa aming panayam kay Ma. Theresa Ramirez, pinayuhan nila ang kanyang kapatid na ipagpatuloy ang pagpapakonsulta sa doctor sa Saudi ngunit sinabi nito na pag-uwi na lamang niya ng Pilipinas ngayong buwan ng Setyembre ito magpapagamot.

Si Remedios ay residente ng Brgy. Lawang Kupang San Antonio at halos dalawang taon nang nagtatrabaho sa nabanggit na bansa bilang domestic helper. Naiwan ng 39-anyos na single mother ang kanyang dalawang anak na edad 18 at 12 taong gulang. Nakatakdang ilibing si Remedios ngayong araw sa KC1 Cemetery ng San Antonio.

Dahil parehong nag-aaral pa ang dalawang anak, sinagot na rin ng gobernador ang scholarship ni Gene Ross upang makamit nito ang kanyang mga pangarap na makapagtapos at masuportahan ang nakababata nitong kapatid na lubos nilang ipinagpapasalamat.

Ang OFW Help Desk ay itinatag noong 2018 sa pamumuno ni Former Governor Cherry Umali na ipinagpapatuloy naman ni Gov. Oyie Umali ang pagtulong sa mga distressed OFW at pagbibigay ng medical at financial assistance