Hindi lamang aliw, kasiyahan at papremyo ang handog ng Clowns, Puppet, Magic and Mascot Show sa mga residente ng Barangay Digdig sa Bayan ng Caranglan, kundi kapupulutan din ng mga aral ng mga kabataan.

Nagbigay ng aliw at mga aral para sa mga bata ang Clowns, Puppet, Magic and Mascot Show na handog nina Gov. Aurelio Matias Umali, 3rd District CongW. Cherry Domingo Umali at 2nd District Board Member Joseph Ortiz, sa Barangay Digdig, Caranglan, Nueva Ecija.
Ilan sa mga aral na nabanggit ng puppet na si Lolo Jose ay ang palagiang paggamit ng “po” at “opo”, pag-aaral ng mabuti, pagmamano sa mga matatanda, at pagdarasal.
Ayon kay 2nd District Board Member Joseph Ortiz, katuwang niya sina Gov. Aurelio Matias Umali at 3rd District Cherry Domingo Umali sa pagbibigay ng ganitong uri ng palabas sa bawat bayan sa lalawigan na naglalayong makapagbigay ng munting kasiyahan at mga aral.

Nakabakas sa mga mukha ng mga bata ang kasiyahan dulot ng palabas na handog para sa selebrasyon ng Kapistahan ng Barangay Digdig, Caranglan, Nueva Ecija.
Nagkaroon din ng iba’t-ibang palaro na may kaakibat na mga papremyo para sa mga bata, matapos nito ay namangha naman sila sa mga magic tricks na ipinamalas ng mga clown.
Labis ang naging pasasalamat ni Kapitan Albert Rolle ng naturang lugar dahil sa unang pagkakataon ay nadagdagan ng isang gabi ang selebrasyon ng kanilang kapistahan, na nagpasaya sa kanyang mga nasasakupan.
Isa lamang ito sa mga programa ng Pamahalaang Panlalawigan na ibinababa sa bawat bayan, sa ilalim ng pamumuno ni Gov. Oyie Umali para sa kapakanan ng mga Novo Ecijano.-Ulat ni Shane Tolentino