Hinangaan ng mga mamimili ang gawa ng mga Novo Ecijano na itinampok ng DTI o Department of Trade and Industry sa ginugunitang Micro, Small, and Medium Enterprise o MSME Week Trade Fair sa Nueva Ecija.
Ayon kay Assistant Trade Promotion Officer Dennis Suyayen, 28 na MSME ang lumahok sa trade fair na mula sa Gapan City, San Jose City, Penaranda,Rizal, Cuyapo, Talavera, Pantabangan, Guimba, General Natividad at Science City of Muñoz.
Aniya, sa pamamagitan nito ay makikilala ang kanilang mga produkto hindi lamang sa Nueva Ecija kundi sa ibang karatig ng probinsiya.
Isa ang Jalen’s Smoked Fish mula sa Brgy. Tabuating, San Leonardo ang lumahok sa trade fair kung saan mas pinaganda na ang packaging ng kanilang produkto na tatagal hanggang isang buwan ang shelf life kapag nakalagay sa refrigerator.
Makikita rin dito ang mga gawa sa coco husk na magagamit ng mga plantito at plantita upang mas gumanda at maging healthy ang kanilang halaman.
Very proud naman si Roy Mamaclay sa nabili nilang Barong at Filipiniana na gawa ng LJRM Enterprises mula sa Penaranda na kanilang gagamitin sa special occasion ng Rotary Club Cabanatuan West.
Humanga rin si Geraldine Tuzon sa kanyang napiling halaman na kanya namang ilalagay sa loob ng kanilang bahay.
Nagpasalamat naman ang may-ari ng Lowis Garments Manufacturing ng Cabanatuan City sa DTI at sa mga kapartner nitong media dahil malaking tulong para sa kanila na maipromote ang kanilang produkto at may libreng pwesto para sa MSMEs.
Ang nasabing trade fair ay tatagal hanggang Biyernes, July 22 sa Main Atrium, NE Pacific Mall, Cabanatuan City.