Sa ika-sampong karaniwang pagpupulong ng Sangguniang Bayan, inaprubahan at pinagtibay ng Committee of the Whole ang resolusyon na nagpapahayag ng pag-ayaw ng lokal na pamahalaan ng Guimba sa CPP-NPA.
Ayon sa nagsilbing resource person na si First Lt. Mohammad Johaiman S. Manda, Commanding Officer, Bravo Company ng 69th Infantry Battalion, March 2018 sila nadeploy sa bayan ng Guimba sa layuning pabagsakin ang mga grupong may banta ng destabilisasyon sa gobyerno at hadlangan ang mga taong sumusuporta sa mga ito.
Isa umano sa mga pinagtuunan ng pansin ng mga sundalo sa Guimba ang pagkasunduin ang mga grupo ng mga magsasakang Mambayu at Listasaka.
Komento ni Konsehal Anthony Ubaldo, puro naman maganda ang iprinisenta ni Lt. Manda kaya itinanong nito kung bakit kailangan pa nilang ideklarang persona non grata ang CPP-NPA.
Pinagtibay ng Sangguniang Bayan ng Guimba sa unang pagbasa ang resulosyon na nagdedeklarang “persona non grata” ang CPP-NPA.
Sagot ni Manda, isa kasi ang Guimba sa mga lugar na binabantayan ng kasundaluhan na pinamumugaran ng mga makakaliwang grupo.

Nag-alala naman si Konsehal Virgilio Fabros, Chairman ng Committee on Human Rights na baka may mga sundalong lumabag sa karapatang-pantao sakaling may mamamayan ng Guimba na mai-ugnay sa CPP-NPA.
Tiniyak naman ni Manda na hindi ito mangyayari dahil mataas aniya ang respeto nila sa human rights at hindi nila kukunsintihin ang kapwa nila sundalo.
Sa loob umano ng mahigit isang taong pamamalagi ng kasundaluhan sa Guimba ay isang kaso lamang ng paglabag sa karapatang pantao ang inireklamo laban sa kanila ngunit hindi naman itinuloy ng complainant ang kaso.- ulat ni Clariza de Guzman