Taun-taon mas pinipili ni Aling Josie na maagang mamili ng mga school supplies para sa kaniyang dalawang apo dahil bukod sa mas mababa ang presyo ay iwas pa raw sa stress.

 

Bunsod ng pagdami ng mga namimili ng mga gamit pang-eskwela tatlong linggo bago ang pasukan sa Hunyo, tiniyak ng (DTI) Department of Trade and Industry na tututukan nila ang galaw ng presyo ng mga ito ngayong nalalapit na ang pasukan.

 

Una rito, naglabas na ng SRP o Suggested Retail Price ang DTI para sa presyo ng mgaschool supplies. Base sa listahan ng ahensya, walang masyadong paggalaw sa presyo ng mga gamit pang-eskwela tulad ng notebook at ballpen kumpara noong nakaraang taon.

 

Pumapatak lamang sa sampung piso ang pinakamurang brand ng notebook habang nasa mahigit tatlumpung piso naman ang mga branded.

 

Gaya ng presyo ng mga produkto sa tindahang ito, na ayon sa store manager ay alinsunod sa presyong ibinigay ng DTI.

 

Samantala, inaasahan na mas dadagsa ang mga mamimili sa darating na Mayo 15 kung saan panahon ng sahuran ng mga manggagawa.-Ulat ni Mary Joy Perez