Tumakbong hubad at patalikod ang mga kalalakihan sa lungsod ng Cabanatuan, sa ginanap na Fun Run Contra Addict ng PGBI Guardians at Samahang Kababaihan TALA o Tanglaw at Lakas ng Nueva Ecija.
Sabay-sabay na tumakbo patalikod ang mahigit kumulang Isang daan at limampung kalalakihan, mula sa Plaza Lucero, patungo sa NEUST Campus sa Gen. Tinio Street.
Bukod sa pabaliktad tumakbo ang mga kalahok, baliktad din ang mga numerong nakasulat at nakasabit sa kanilang leeg na may nakasulat na “Jail the user, hunt the pusher!”
Ayon kay Elizabeth Bernardo, Focal Person ng Samahang Kababaihan TALA, mas pinili nilang gawing kakaiba ang nasabing Fun Run na imbes na pasulong, ay paatras ang pagtakbo na nagpapakita umano ng masamang epekto ng paggamit ng bawal na gamot at pagkawala sa tamang pag iisip.
Aniya, panahon na upang magising ang lahat at makiisa sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Pinabulaanan din ni Bernardo, ang naglabasang isyu na may tinutukoy silang pulitiko sa programa. Nilinaw nito, na wala silang sinuman pinatatamaan sa lokal na pamahalaan.
Bunsod ng matagumpay na Fun Run ay siniguro na rin ni Bernardo na magkaroon pa ng ganitong aktibidad para sa mga kababaihan sa darating na buwan ng Marso. ulat ni Danira Gabriel