Nakatakdang gawing “Face of Nueva Ecija”ang Freedom Park sa Cabanatuan City sa isinasagawang rehabilitasyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa naturang parke upang ito ay lubos na mapaganda at mapakinabangan ng mga mamayang Novo Ecijano.
Ayon kay Provincial Administrator Atty. Alejandro Abesamis, ito ang magsisilbing pinakalandmark ng buong probinsiya dahil sa makasaysayang nitong istorya.
Nauna nang pinondohan ang proyekto ng halos P20 milyon na mula sa general fund, ito ay sa ilalim ng administrasyon ni Former Gov. Cherry Umali.
Habang ang karagdagang pondo na P51.8 milyon sa pamumuno ni Gov. Oyie Umali ay kasalukuyan ng dinidinig sa Sangguniang Panlalawigan upang mapukpukan para sa pagpapagawa ng Phase 2.
Base sa Conceptual Development Plan ng buong parke, makikita dito ang itatayong dry fountain na may disenyo ng mapa ng lalawigan, mini botanical garden, multi-purpose court, pagsasaayos ng mga historical statue, paglalaan ng lugar para sa arts and culture activities at pagtatalaga ng opisina para sa tourism information. Inaasahan na matatapos ang buong proyekto sa susunod na taong 2020. –Ulat ni Danira Gabriel