Politika ang nakikitang rason nina Vice Mayor Anthony Umali, Kon. Nero Mercado at Kon. Gave Calling sa pagliban ng mga kaalyadong konsehal ni Mayor Jay Vergara sa Ika-17 Regular Session ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan noong April 29, 2019.
Ito ang unang araw ng pagbabalik sesyon ng tatlo matapos ipawalang bisa ng Ombudsman ang kasong isinampa sa kanila ni Josephine Libunao.
Ayon kay VM Umali, tila nagdadalamhati pa rin ang kalooban ng kabila sa kanilang pagbabalik.
Malinaw aniya na mas pinapairal ng kabilang partido ang awayan sa politika kaysa sa sinumpaang tungkulin na paglilingkod sa taong bayan.
Marahil ay ninanais umano ng mga miyembro ng mayorya na mapahiya at magmuka silang katawa-tawa sa harap ng mga tao.
Sa mosyon ni Kon. Nero Mercado, humingi pa siya ng tatlumpong minutong palugit upang hintayin ang mga kasamahan sa konseho ngunit hanggang sa matapos ang oras ay wala pa ring dumalo.
Aniya, hindi na siya nasorpresa sa hakbang nila na ito dahil maging oras ng Flag Raising Ceremony ng araw ding iyon ay pilit ding binago ng mga namumuno.
Nalulungkot naman si Kon. Gave Calling dahil nasayang ang panahon na sana ay natalakay at naipasa na ang ilang mga mahahalagang panukala.
Base sa isinasaad ng Internal Rules of Procedure Section 50 (b-5) ng Local Government Code, ang sino mang miyembro ng Sanggunian na apat na beses na magkakasunod na hindi dumadalo sa sesyon na walang balidong rason ay maaring patalsikin o suspendihin ng anim na pung araw.
Ang 10 konsehal na umabsent sa sesyon ay sina Kon. EJ Joson, Kon. Mario Seeping, Kon. Pb Garcia, Kon. Froilan Valino, Kon. Ruben Ilagan, Kon. Fanny Posada, Kon. Rosendo Del Rosario Jr, Kon. Bong Liwag, ABC Chairman Sergio Tadeo at SK Federation President John Ellis Galang. –Ulat ni Danira Gabriel