
Masayang ibinahagi ni Erlinda Mercader mula Brgy. San Agustin, San Jose City ang nararamdaman sa pagtanggap ng parangal bilang tinaguriang Modelong Juana sa Kalabawan.
Ayon sa kaniya dahil sa hanap-buhay na pagkakalabaw ay nakapag-ipon ito, nakapagpaaral ng mga anak, at nakapundar ng mga kagamitan sa pagsasaka.

Malaki naman ang nabago sa buhay ni Rolly Richard Zalameda sa edad na 23 taong gulang, mula sa Brgy. Lao, Ormoc City simula nung natuto sa pagkakalabaw katulad ng pagiging matiyaga, masigasig at pakikisama sa tao.
Sina Mercader at Zalameda ay dalawa lamang sa siyam na namumukod na magsasaka at mangangalabaw na pinarangalan ng Philippine Carabao Center dahil sa kanilang pagiging masipag at hindi matatawaran na kontribusyon sa pag-aambag ng gatas ng kalabaw na ginanap sa PCC National Head Quarters and Gene Pool sa Lungsod Agham ng Muñoz kahapon March 27, 2019.
Ipinaliwanag naman ni Dr. Arnel Del Barrio, Executive Director ng PCC, ang tema ng anibersaryo ngayong taon na Empowering ‘Carapreneurs’ Our Purpose in Focus na nangangahulugan ng pagkakaisa at pagpapalakas ng mga magsasaka at mga negosyante.
Ang salitang ‘Carapreneurs ay tumutukoy sa mga Carabao Raisers o nag aalaga ng kalabaw na naging Entrepreneurs.

Kabilang rin sa mga parangal na iginawad ng PCC ay ang Outstanding Dairy Buffalo Farmer for Smallhold, Commercial and Semi-Commercial Categories, Best Family Module, Best Dairy Buffalo Farmer Cooperative, Outstanding Independent Dairy Farmer for Semi-Commercial and Commercial Categories, at ang Best Senior Dairy Buffalo Cow o Gintong Kalabaw Cup at ginawaran din ang 25 na mukha ng tagumpay sa Carapreneurship.
Dinaluhan naman ng tatlong raang partisipante mula sa iba’t ibang lugar sa pilipinas ang 26th founding anniversary ng PCC na may limang araw na selebrasyon na magtatapos sa March 29, 2019.
Samantala, ipinagmamalaki naman nito na ang lalawigan ng nueva ecija ang nangunguna sa produksyon ng gatas sa buong pilipinas na pumapatak sa 1.4 milyon litro kada taon.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran