Sa pagpunta noong Lunes, March 11, 2019 ni Department of Agriculture Sec. Manny Piñol sa National Food Authority – Nueva Ecija sinagot nito ang mga hinaing ng mga magsasaka dito sa probinsya hinggil sa rice tarrification.
Una na rito ay itinuro niya ang mga traders na siyang nagbaba aniya ng presyo ng palay para makabawi sa nalugi ng mga ito noong huling bilihan ng palay.
Isa pa sa ipinapangamba ng mga magsasaka ay ang pagtigil umano ng NFA sa pagbili ng palay sa mga magsasaka.
Tugon ni Piñol dito, tuloy-tuloy pa rin ang pagbili ng palay ng ahensya sa mga magsasaka dahil magiging rolling buffer stocking na ang sistema, ibig sabihin sa sandaling maabot ang 30 araw na buffer stocking, ang NFA ay bibili ulit ng palay mula sa mga lokal na magsasaka.
Ang isa pang magandang balita ni Piñol para sa mga ordinaryong magsasaka na balak magbenta ng kanilang palay sa NFA ay kahit sinong magsasaka ay maaari nang magbenta at siniguro nito na maghihigpit sila para hindi mapasok ng traders ang pagbenta ng palay sa naturang ahensya.
Kasunod ng mga paliwanag ni Piñol, ay inisa-isa din niya ang mga programang sisimulang gawin ng Kagawaran ng Agrikultura bilang ayuda sa mga magsasakang umaaray sa rice tariffication.
Kabilang na rito ang P40-B na pondong inilaan aniya ng ahensya sa solar-powered irrigation na tuloy-tuloy na ginagawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa, pagpapahiram ng pondo sa mga magsasaka para makabili ng dryer at ang P30-B na inilaan para sa National Fertilizer Support Program. –Ulat ni Jessa Dizon