Binigyang otoridad ng Sangguniang Panlalawigan si Governor Aurelio Umali na makipagkasundo sa Department of Health Central Luzon Center for Health Development.

Sinabi ni Dra. Josefina Garcia, Officer-In-Charge ng Provincial Health Office, ang Memorandum of Agreement ay para sa 11, 385, 000 pesos na ipagkakaloob ng DOH sa Gapan District Hospital at ELJ Memorial Hospital na gagamitin sa Medical Assistance Program o MAP para sa mga mahihirap na pasyente na walang kakayanang makapagbayad.

Ipinaliwanag ni Dra. Josefina Garcia, OIC ng Provincial Health Office sa Sangguniang Panlalawigan kung paanong nagagamit ng mga District Hospital ang pondong ipinagkakaloob ng Department of Health para sa Medical Assistance Program.

Layunin ng programa ang No Balance Billing o wala nang babayaran ang mga mahihirap at matatandang pasyente sa pagpapagamot sa mga hospital na pinatatakbo ng gobyerno.

Ayon kay Dra. Garcia, lahat ng mga District Hospital sa lalawigan ay binibigyan ng pondo ng DOH para sa medical assistance at ilan sa mga ito ay hindi pa muling mabibigyan sa kasalukuyan dahil hindi pa nila nauubos ang naunang pondong ipinagkaloob sa kanila.

Tinanong ni Provincial Councilor’s League President at Board Member Belinda Palillio kay Dra. Garcia ang dahilan kung bakit hindi agad nauubos ng mga District Hospital ang pondong bumababa mula sa DOH gayung marami aniya sa mga mamamayan ang namomoroblema sa gastusin sa pagpapagamot.

Paliwanag ni Dra. Garcia, ilan sa mga ospital ang may mababang admission rate o mga pasyenteng naico-confine at kaunti din ang mga nagiging outpatient kaya hindi gaanong nagagamit ang pondo.

Isa din sa nakikitang dahilan dito ay ang Philhealth benefits ng mga pasyente na una munang ginagamit sa pambayad sa ospital bago gamitin ang MAP at marami din sa mga pasyente ay sa mga pribadong ospital nagpapagamot.—Ulat ni Jovelyn Astrero