Arestado ang 17 chinese nationals matapos na magsagawa ng raid ang mga tauhan ng Bureau Of Customs (BOC) at Philippine National Police (PNP) sa bodega ng mga pekeng sigarilyo sa Brgy Pambuan, Gapan City, Nueva Ecija.
Tumambad sa mga otoridad ang kahon-kahong pekeng sigarilyo, rolyo ng selyo, pekeng tax stamps na nasa tatlong kahon at anim na makinarya sa paggawa hanggang repacking ng sigarilyo na nabatid na aabot sa P200 milyon ang halaga.
Nasamsam sa operasyon ang mga pekeng sigarilyo na may tatak na marvels, mighty at jackpot.
Ayon kay Commisioner Isidro Lapeña, halos isang buwan nilang binantayan ang operasyon sa lugar at nadiskubre nila na alas-6 ng gabi hanggang hatinggabi inilalabas ang mga pekeng produkto.
Pahayag pa ni Lapeña, inaaalam na nila ang pagkakakilanlan ng may-ari ng bodega na isa rin umanong chinese national at maging ang pinanggalingan ng mga materyales na ginagamit sa paggawa ng sigarilyo.
Binigyan naman ang may-ari ng bodega nang 15 araw matapos ang inspeksyon na makapagpakita ng Evidence of Payment sa mga imported items, kundi ay maglalabas ng Warrant of Seizure at Detention ang BOC.
Sa kasalukuyan ay nasa kostudiya na ng Gapan City PNP ang labing pitong chinese nationals na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 155 Republic Act 8293 o kilala sa tawag na “An act prescribing the intellectual property code.”
Posible rin managot ang mga tindahan na binabagsakan at nagbebenta ng pekeng produkto. –Ulat ni Danira Gabriel