Binigyan ng halagang isang milyong piso na ayudang pinansyal ng Davao City Government sa pangunguna ni Mayor Sara Duterte  ang pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija noong martes, alas-sais ng hapon sa Old Capitol, Cabanatuan City.

Mismong si Davao City Disaster Risk Reduction Management Office Chief Emmanuel Jaldon at isa pang representante ng kanilang opisina ang nag-abot ng cheke kina PDRRMO Chief Michael Calma, PPDO Chief Dennis Agtay at Provincial Treasurer Cherry Rivera na gagamitin para makatulong sa mga nasalanta ng habagat kamakailan dito sa lalawigan.

Matatandaan na nitong nakaraang buwan ng Hulyo ay labing anim na bayan sa lalawigan ang nagdeklara ng State of Calamity kung saan pinaka naapektuhan ang bayan ng Licab na umabot sa P57 milyon ang pinsalang naitala.

Ayon sa panayam kay PDRRMO Chief Michael Calma, hindi nila inaasahan ang tulong na ipinagkaloob ng Davao City kaya naman natutuwa sila sa mga suportang ibinibigay ng mga kapwa nila Local Government Unit.

Dagdag pa ni Calma, bukod sa isang milyong pisong ayuda na ibinigay noong martes ay nauna nang nag-abot ng P500,000 noong August 4, 2018 si Mayor Duterte sa bayan ng Licab kung saan kinumpirma ito ng LDRRMO ng naturang bayan.

Nagpasalamat din Chief Calma sa mga mamamayan at City Government ng Davao para sa tulong na ipinagkaloob nila sa lalawigan.