Pinabulaanan ng ilang opisyal at miyembro ng Nueva Ecija Mining And Trucking Operators and Drivers Association (NEMATODA) ang alegasyon ni Cong. Ria Vergara na di umano’y tinakot sila kaya hindi dumalo sa ginanap na Congressional Hearing noong May 29, 2018.
Sa ekslusibong panayam ng TV48 News Team sa mga lokal na operator at representante ng operators na nakatanggap ng imbitasyon, walang katotohanan na may nanakot o pumigil sa kanila upang huwag dumalo sa nasabing pagdinig.
Paglilinaw nina Mary Irish Ortiz – representante ng Maxima Dela Cruz Gravel and Sand at Arlene Ponce – representante ni Jose Sarangaya, natanggap nila ang liham noong May 26, tatlong araw bago ganapin ang hearing. Base aniya sa liham ay may ipinapahanda sa kanilang dokumento ngunit bitin ang kanilang oras upang maigayak ito na naging dahilan upang magkaisa ang mga operator na huwag ng dumalo.
Kabaligtaran ito sa pahayag ni Cong. Ria Vergara sa kasagsagan ng hearing na napag-alaman umano ng Kongresista na tinakot ang mga quarry operator upang hindi sumipot sa pagdinig.
Itinanggi rin ng mga miyembro ang lumabas na balita na sinisisi nila ang Pamahalaang Panlalawigan sa pagpapahinto ng quarry operations sa probinsiya.
Ayon kay Quarry Operator Marlon Mamuyac, tila nadadamay ang kanilang negosyo sa away politika sa probinsiya.
Hiling ni Arnold San Pedro isa ring Quarry Operator, sana ay maayos na ang problema dahil lahat naman aniya ng mga hinihinging dokumento ay kanilang inaasikaso, maging ang pagdalo sa mga patawag na meeting ng EMB o Environment Management Bureau ay kanila ring dinadaluhan, sa kagustuhan na maipagpatuloy ang kanilang mga nabinbing proyekto, makapagbayad sa mga hulugang sasakyan at mabigyan ng trabaho ang mga tauhan na umaasa rin sa kanilang hanapbuhay. –Ulat ni Danira Gabriel