Binuweltahan ni Governor Czarina Umali si Congressman Rossana Vergara dahil sa pagtanggi ng City Treasurer ng Cabanatuan na kunin ang kanilang share sa quarry.

Sa huling pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong May 29, 2018 na inisponsoran ni Congressman Ria Vergara tungkol sa umano’y iregularidad sa koleksyon at distribusyon ng buwis sa operasyon ng quarry sa Nueva Ecija, ay matapang na ibinalik ni Governor Czarina “Cherry” Umali dito ang akusasyon na maliit ang quarry shares ng Cabanatuan City kaya ayaw nila itong kunin mula sa probinsya.

Inamin ni Congressman Vergara na sadyang hindi kinukuha ng City Government ng Cabanatuan sa pamumuno ng asawa nitong si Mayor Jay Vergara ang kanilang tax shares sa quarry dahil nagpoprotesta sila, sa kabila ng abiso mula sa Provincial Treasurer na maaari na nilang kunin ang kanilang mga cheke.

Sa sulat ni City Treasurer Florida Oca kay Provincial Treasurer Rosario Rivera na binasa ni Congressman Vergara ay hiningi nito ang mga dokumento na nagsasaad ng komputasyon at quarry tax collections sa Cabanatuan.

Sumagot umano si Treasurer Rivera kung saan inimbitahan siya o sinumang representante nito upang maipaliwanag sa kanila ang mga katanungan kaugnay ng quarry tax collections ng Lungsod.

Inihayag ni Governor Cherry Umali na may ganito na rin namang insidente kung saan personal na nagtungo sa Kapitolyo ang Barangay Pagas sa Lungsod ng Cabanatuan, matapos na maipaliwanag sa kanila ng maayos ang mga katanungan ay kinuha naman aniya ng barangay ang kanilang cheke.

Isa sa kinukwestyon ni Vergara ay kung bakit consolidated ang quarry tax shares ng San Jose City mula 2012, 2013 at 2014 na nakuha lamang nila noong 2015.

Nauna nang ipinaliwanag ni Provincial Treasurer Rivera na sa kabila ng handa na ang mga cheke ay hindi naman ito kinukuha ng mga Barangay, Munisipyo o Lungsod na nagiging dahilan para ma-staled o lumipas ang mga cheke, kaya sa oras na kunin na ng mga recipient ang kanilang cheke ay naipon na ang kanilang mga shares.

Komento ni Congressman Robert Ace Barbers, may mga Local Chief Executives o Mayors na hindi talaga kinokolekta ang kanilang share sa quarry mula sa Provincial Government lalo na kung hindi nila kaalyado ang nakaupong Gobernador.

Mahalaga aniya na mapag-aralan ng komite ang usapin ng hindi pagkuha ng mga quarry shares ng mga pinuno ng Barangay, Munisipyo o Lungsod upang magkaroon ng batas na magbibigay ng parusa sa mga ito.

Ang pangongolekta aniya ng mga shares sa quarry ay hindi dapat mahaluan ng pamumulitika dahil ang perang ito ay para sa Barangay, Munisipyo o Lungsod.

Kinonsidera naman ni Congressman Johnny Pimentel ang paggawa ng batas sa pagpaparusa sa mga Local Chief Executives na hindi kukuha ng kanilang share sa quarry at sinabing isa itong malaking punto sa usapin ng distribusyon at koleksyon ng buwis sa quarry.—Ulat ni Jovelyn Astrero