Umabot sa mahigit 90 kabataan mula sa iba’t ibang barangay sa Cabanatuan City ang nakilahok sa taunang prusisyon ng Flores De Maria ng St. Nicholas Tolentine Parish Cathedral nitong nakaraang Huwebes, May 31.

Ito ay bilang hudyat ng pagtatapos ng isang buwang selebrasyon ng Flores De Maria kung saan nag-alay ang mga katoliko ng bulaklak, pagsinta at harana sa Birheng De Las Flores.

Sa isinagawang misa, ipinaliwanag ni Rev. Father Joel Cariaso ang pagkakaiba ng Flores De Maria at Santacruzan upang bigyang linaw aniya ang pagkalito ng publiko sa dalawa.

Ayon sa pari, ang Flores De Maria ay ang pagbibigay-pugay sa ina ni Hesukristo na si Maria habang ang Santacruzan naman ay ang paggunita sa pagkahanap sa tunay na krus na pinagpakuan kay Hesus.

Paliwanag naman ni Bro. John Paul Valino ng Ministry of Lectors and Commentators,  kung sa Santacruzan ay mga biblical characters ang ibinibida, sa Flores De Maria ay mga tutulo naman ni Maria ang inirerepresenta ng mga sagala.

Samantala, nakatutok ngayong taon ang tema ng pagdiriwang sa pagsasalin ng nasabing kultura ng simbahan sa mga kabataang katoliko.

Lubos naman ang pasasalamat ng St. Nicholas Cathedral sa mga nakiisa sa pagdiriwang ng Flores De Maria ngayong taon at patuloy na hinihikayat ang mga katolikong Novo Ecijano na makilahok sa mga susunod pang mga taon. – ULAT NI JANINE REYES.