Nanguna ang lungsod ng Cabanatuan sa listahan ng mga lugar sa Nueva Ecija na may pinakamataas na kaganapan ng mga krimen.

Sa isinagawang pagpupulong ng Provincial Peace and Order Council (PPOC) para sa 4th quarter ng taon, ipinahayag ni Police Superintendent Norman Cancho na naitala ang pinakamataas na crime incidence sa lungsod ng Cabanatuan.

Nagkaroon ng open forum ang Provincial Peace and Order Council kasabay ng pag-uulat ni Police Supt. Norman Cancho ng peace situation sa Nueva Ecija.

Sa theft crime analysis, lumalabas na nangunguna ang Cabanatuan na may bilang na 139 na kaso. Sinundan naman ito ng San Jose na may 72 na kaso at ng Talavera na may 21 na kaso.

Sa robbery crime analysis, nasa top 3 pa rin ang mga naturang lugar. Una ang Cabanatuan na may 101 na kasong naitala at sinundan ng San Jose na may 41 na kaso  at Talavera na may 23 na kaso.

Nanatili pa rin ang mga bayan at lungsod na nabanggit sa kaso ng Physical injury kung saan nakapagtala ng 95 na kaso sa Cabanatuan, 47 sa San Jose at 25 sa Talavera.

Pinakamataas pa rin ang Cabanatuan sa kaso ng motornapping kung saan 81 na kaso ang naganap habang 31 na kaso sa Talavera at 26 na kaso naman sa San Jose City.

Sa kaso ng murder o pagpapatay ay 35 na pangyayari ang naitala sa nangungunang lungsod. Pumangalawa ang Talavera na may 14 na insidente at sumunod ang San Isidro na may 10 kaso.

Sa rape crime analysis, mas mataas ng isang kaso ang San Jose sa Cabanatuan, dahilan kaya ito ang nangunguna na may bilang na 32 na kaso, 31 na kaso sa Cabanatuan at 11 na kaso sa Gapan.

May pinakamataas na bilang pa rin ang Cabanatuan sa kaso ng homicide kung saan 6 na insidente ang naitala habang 3 kaso ang nailista sa Sto. Domingo at 2 kaso sa Jaen.

Sa carnaping crime analysis naman, ay nasa unahan ng listahan pa rin ang Cabanatuan at Gapan na may 2 kaso. Sinundan naman ito ng Talavera at San Isidro na may tig-isang kasong naitala.

Samantala, ayon kay Police Supt. Cancho, base sa pag-aanalisa ng NEPPO, ang tinitingnan nilang dahilan kung bakit ang Cabanatuan ang may pinakamataas na bilang ng mga krimen at insidente ay dahil ito ang sentro ng kalakalan sa lalawigan at halos kalahati ng populasyon ay naroroon.

Dagdag pa nito, kapag naghihigpit ng seguridad sa naturang lungsod ay lumilipat umano ang mga criminal sa karatig lugar nito upang doon isagawa ang mga criminal activity. –Ulat ni Irish Pangilinan