Dalawa lamang sina Nanay Imelda Ronquillo at Nanay Mae Bonifacio na galing pa sa malalayong bayan ng lalawigan na sinamahan ang kanilang mga estudyante upang kumuha ng exam kahapon May 22, 2019 sa Nueva Ecija High School.

Kwento ni Nanay Imelda, mahirap ang kanilang buhay lalo pa’t pagma-manicure lang ang kaniyang ikinabubuhay sa kaniyang tatlong mag-aaral. Mabuti na nga lamang at nakapagtapos na ang kaniyang panganay sa tulong rin ng Scholarship Program ng Pamahalaang Panlalawigan. Iskolar rin aniya ang dalawa at nagbabakasakali pa siyang ipasok sa programa ang kaniyang Grade 8 na anak.

Mensahe ni Nanay Imelda sa mga kabataan, Isang malaking opurtunidad sa buhay ng isang indibidwal na gustong makapagtapos ng pag-aaral ang may kaagapay na mga ganitong programa partikular sa usaping pinansyal.

Ayon naman kay Mae Bonifacio, gustong gustong makapagtapos ng kaniyang pamangkin na si DJ Dela Cruz kung kaya’t nagbakasakali rin silang magtungo sa NEHS para makakuha ng exam at mapabilang rin sa iskolar ng Provincial Government.

Malaking tulong naman para kay DJ ang Scholarship kung sakaling makukuha niya ito dahil makakabawas umano ito sa mga gastusin sa kaniyang sa pag-aaral lalo pa’t working student ito.

Ayon kay Engr. Bot Valino ng PAMO o Public Affairs and Monitoring Office, prayoridad ng naturang exam ay ang mga taal na mga Novo Ecijano partikular ang mga mag uunang taon sa kolehiyo.

Ang bilang naman aniya ng mga mapipiling iskolar ay depende sa mababakanteng slots ng mga iskolar na mga nagsipagtapos na.
Ang mga benepisyaryo ay makatatanggap ng 2, 500 hanggang 3, 500 bawat semestre depende sa paaralan na papasukan.

Makakatanggap naman ng mensahe kung nakapasa sa naturang exam ang mga kabataan upang personal na magtungo sa kanilang tanggapan.

Ang scholarship program ay naglalayong matulungan at mabigyang katuparan ang pangarap ng bawat kabataan at maiangat ang antas ng pamumuhay ng mamayang Novo Ecijano.-Ulat ni GETZ RUFO ALVARAN.