Mag-asawang magsisibuyas sa bayan ng Guimba na sinubukan ang organic insecticides na ginamitan ng pulot, vetsin at polbo

Nakahinga ng maluwag ang isang magsasaka sa bayan ng Guimba nang mailigtas ang kaniyang kalahating ektaryang pananim na sibuyas gamit ang pulot, vetsin at polbo.

Tila nawalan na ng pag-asa si Aling Mercy Carranza ng atakihin ng pesteng harabas o armyworms ang kaniyang kalahating ektaryang pananim na sibuyas sa Brgy. San Rafael, bayan ng Guimba, Nueva Ecija.

Aniya, halos lahat na ng mamahalin at matatapang na chemical insecticides ay sinubukan nilang mag-asawa na i-spray sa pananim ngunit hindi pinapansin ng naturang peste.

Mga aning sibuyas nina Aling Mercy na ginamitan ng organic insecticides

Subalit ng subukan niya ang organic insecticides na ginagamitan ng pulot, vetsin at polbo ay napansin niya na isa-isang namatay ang mga uod at unti-unting tumubo ang mga dahon na sinira nito.

Nitong nakaraang linggo lamang ay umani na sila na umabot sa isang daan at pitumpo’t apat na buriki na may tatlumpong kilo ang timbang kada bag at naibenta sa halagang trenta’y kwarto pesos kada kilo.

Ang nakadiskubre ng organic insecticides na ginamitan ng pulot, vetsin at polbo na si Professor James Quilantang ng CLSU

Ang nagturo at nakabuo ng formula ay Si Professor James Quilantang, isang plant pathologist at researcher ng Central Luzon State University (CLSU), Science City of Munoz.

Ang molasses o mas kilalang pulot ay isang organic fertilizer na nakapagpapalusog at nakapagpapabigat ng sibuyas at iba pang mga halaman, habang ang vetchin ay nakapagpaparalisa ng uod, at ang polbo naman ay isang anti-transpirant na tumutulong upang hindi madaling matuyo ang dahon ng halaman.

Para sa iba pang impormasyon ay  maaaring kontakin si Prof. Quilantang sa kaniyang personal na numero 0999-820-4257 o magtungo sa kaniyang opisina sa Seed Laboratory, CLSU.- Ulat ni Danira Gabriel