Hindi maawat na palakpakan at hiyawan, naglalakihang mga props, kamangha-manghang mga costume, at mahuhusay na choreography – ito ang bumusog sa mata ng mga manonood sa ginanap na kauna-unahang Kulturang Pagtatanghal nitong nakaraang Lunes ng gabi sa Guimba Town Plaza bilang bahagi ng selebrasyon ng kanilang 153rd Founding Anniversary at Ragragsak Ti Guimba 2018.

Ayon kay Guimba Tourism Officer Rhea Leyva Santos, pangunahing konsepto sa performance ng mga kalahok ang kasaysayan at progreso ng bayan ng guimba.

Layunin din nito na maibahagi at maipakita sa lahat ang kanilang kultura at kung gaano na kalaki ang pag-unlad ng kanilang bayan hindi lamang sa agrikukltura kundi maging sa mga establisyimento na mayroon na sa Guimba.

Ngunit sa siyam na kalahok, pinaka-nangibabaw ang husay ng Pacac High School Mula sa mga dambuhalang props, buhay na buhay na mga sigaw at galaw, hanggang sa mga kagulat-gulat na stunts dahilan upang sila ang tanghalin bilang 1st Kulturang Pagtatanghal Champion na nagwagi ng P50, 000.00.

Naiuwi ng Pacac High School ang kauna-unahang titulo bilang kampeon ng “Kulturang Pagtatanghal’ Street Dance Competition na bahagi ng selebrasyon ng Ragragsak ti Guimba 2018.

 Pumatok din sa mga hurado at manonood ang mga pasabog ng Triala National High School dahilan upang tanghalin sila bilang 1st runner up na nag-uwi naman ng P35, 000.00.

Kabilang din sa mga kalahok na nag-uwi naman ng consolation prize na tig-P10, 000.00 ang Bartolome Sanggalang National High School,  Nagpandayan National High School, Galvan National High School, CRT Guimba Senior High School, San Andres National High School, Manacsac High School, at La Fortuna Guimba Senior High School.

Bukod pa sa mga inuwing premyo ay nabigyan na rin ang bawat school participants ng tig-P10, 000.00 noong march 6. – ULAT NI JANINE REYES.