Nag simula na ng klase kasabay ng regular class ang Special Class ng Cabanatuan East Central School na naglalayong turuan ang mga bata na may kapansanan ng libre.
Ito ay programa ng Department of Education na nag bibigay ng pagkakataon sa mga kabataan na may kapansanan na matuto ng iba’t ibang skills at magkaroon ng pagkakataon na makasama sa regular class sa pamamagitan ng pag focus sa mga pangangailangan ng bawat estudyante.

SPED Students sa Cabanatuan East Central School, umaabot sa 131 mula edad 4 hanggang 17 taong gulang.
Sa ngayon ay umaabot na sa isang daan at tatlupu’t isang estudyante sa SPED Center ng Cabanatuan City East Central School ang nag-aaral ng libre sa tulong ng Sped Program ng DepEd.
Sa buong bansa ay umaabot sa 648 Schools ang binigyan ng ayuda ng Department of Education na mag offer ng Special Education o SPED Class kung saan 471 dito ay sa elementarya at 177 schools naman ang para sa high school.

kabataan na may iba’t ibang disability, maaaring mag enroll sa SPED Class
Maaaring mag enroll dito ang mga kabataan na may visual impairment, hearing impairment, intellectual disability, learning disability, autism spectrum disorder, communication disorder, physical disability, emotional and behavioral disorder, multiple disabilities with visual impairment, pati na rin ang mga orthopedically handicapped, chronically ill, gifted at talented.

Mga guro ng SPED Class, nakatutok sa iba’t ibang pangangailangan ng mga estudyante
Dedikasyon, pasensya at pagmamahal sa mga bata, yan ani ni Teacher Aileen ang ilan lamang sa kinakailangan upang maging isang mabuting gabay sa mga bata na may kani-kaniyang pangangailangan. Bawat araw ay espesyal, ganyan inilarawan ni Teacher Aileen ang kanyang karanasan bilang isang SPED Teacher Sa Cabanatuan East Central School.

Tinuturuan si “Bernard” na mag lagay ng pegs para ayusin ang motor skills ng bata na makatutulong sa kanyang pagsusulat.
Si Bernard, hindi tunay na pangalan, ay isa sa mga estudyante ng SPED at ayon sa kanyang guro ay malaki na ang improvement niya simula ng pumasok sa SPED Class.
Nagtapos ang enrollment para sa SPED Class nitong June 16, 2017-Ulat ni Amber Salazar