Halos kalahating milyon ang bilang ng mga indibidwal na may corneal blindness sa bansa, ayon sa pag-aaral ng Philippine Academy of Ophthalmology noong 2016.

Panglima sa dahilan ng pagkabulag ng mga tao sa mundo ay ang corneal blindness

Ayon kay Dra. Ma. Dominga Padilla, President-CEO ng Eye Bank Foundation of the Philippines, nanatiling nasa top 5 na dahilan ng pagkabulag ang corneal blindness sa buong mundo.

Aniya, aabot sa sampong milyong tao kada taon ang nangangailangan ng corneal transplants, ngunit nasa 150, 000 lamang ang naisasagawa bawat taon dahil sa kakulangan ng cornea at karamihan sa mga bansa ay wala pang eye bank.

Sinabi ni Dra. Padilla na nasa edad dalawa pataas ang maaaring maging donor at hindi kinakailangang kaedad ng pasyente ang eye donor dahil ang importante aniya ay ang kalidad at kalusugan ng cornea.

Pinangunahan nina Dra. Ma. Dominga Padilla, President-CEO ng Eye Bank Foundation of the Philippines at Dr. Huberto Lapuz, Medical Center Chief, Dr. PJGMRMC ang ribbon cutting bilang hudyat ng pagbubukas ng kauna-unahang Eye Bank sa Region III

Sa pangunguna ng Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center ay binuksan ang kauna-unahang Eye Bank sa Region 3 noong October 18, 2019, na magsisilbing satellite office and retrieval center ng Eye Bank Foundation sa Nueva Ecija.

Target ng Eye Bank na makipag-ugnayan sa mga kaanak ng namatay lalo na sa mga nasangkot sa matitinding aksidente, kaya naman hamon ni Dr. Lapuz na maging eye donor sa hinaharap ang mga Novo Ecijano upang makatulong sa mga nangangailangan.

Ang cornea ay ang transparent o malinaw na proteksyon ng mata at malaki ang papel nito para makakita ang isang tao.

Madalas na sanhi ng corneal blindness sa bansa ay trauma, impeksyon, congenital o mula pagkapanganak, at komplikasyon mula sa cataract surgery.

Sa mga nais maging corneal donor ay maaaring makipag-ugnayan sa Department of Ophthalmology ng Dr. PJGMRMC at mag fill-up ng Cornea/Eye Pledge Donor Form.— Ulat ni Jovelyn Astrero